Gusto Ko Imported
Isa ka ba sa mga Pilipinong mahilig sa imported? Na mas nais ang sapatos ni Mario D' Boro, kaysa sa gawang Marikinang pulido? Mamatay-matay makabili ng "Havaianas" na mayroon namang "Dragon" na mas abot kaya? O kaya ay mas suportado ang KPOP sa halip na OPM? Kung oo ang sagot mo, puwes may "Colonial Mentality" ka!
Hindi maikakailang mas kaakit-akit sa mata ang bag na may pangalang "Prada" kaysa "Secosana". Kadalasang mas mahal ngunit ayos lang dahil gawa namang banyaga. Nakakamangha ngunit nakakabahala rin kung isipin kung gaano kalaki tayong mga Pilipino magpahalaga sa mga obrang hindi naman atin. Palagi nating tingin na mas maganda ang produkto ng ibang bansa kaysa sa ating sarili. At kung pagkagusto sa mga banyagang bagay ang pag-uusapan, aba eh, itinodo na natin. Maging banyagang wika ay kinuha at isinantabi ang wikang pambansa. Kung ikaw ay laking Pinoy, alam na alam mo na diretsong magsalita ka lang ng Ingles, matalino ka na. Tatawanan ka pa kung magkamali ka sa gramatika.
Tayo ay nasanay na lagi na lamang sunudsunuran sa mga ibang lahi. Lagi na lamang utusan at nasa kababaan. Maging tingin natin sa ating mga sarili ay naging mababa na rin. Dahil dito, para na rin nating ipinagsawalang bahala ang buhay ng mga bayaning naghimagksik para sa kalayaan mula sa kamay ng mga dayuhan. Naghimagsik upang maging lehitimong bansa ang Pilipinas na makapagtutustos sa sarili nitong mga mamamayan. Naghimagsik upang ang Pilipinas, ay maging para sa Pilipino.
Sa daan-daang taong tayo'y naghirap, hindi natin kasalanan ang kagustuhang umunlad naman.Sa katotohanan, tayong mga Pilipino ay nakikisunod lamang sa takbo ng panahon. Nakikisabay sa pag-uunlad at paglaki ng modernisadong klase ng pamumuhay, ngunit kalakip nito ang pagkalimot sa ating sariling kultura at pagpapahalaga. Kabilang din dito ang pagkawala ng ating identidad at pagkakakilanlan bilang Pilipino sa kagustuhang maging katulad ng sa ibayong bansa. Subalit bakit tayo nakikisunod lang? Bakit tayo nanggagaya? Bakit tayo nanggagamit ng sa ibang lahi kung may atin naman? Bakit hindi kaya natin tulungan ang ating lahi at kultura na kumawala mula sa gapos ng nakaraan noong mababa ang tingin sa atin ng iba?
Aking lamang paalala, tanggapin mo ang "imported", ngunit mas gustuhin mo ang "iyo".
-- Noella Krishna L. Quisto
-- Noella Krishna L. Quisto
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento